Tuesday 5 June 2012

Blangko Berso

Berso Blangko ito ay isang uri ng tula na may sukat na labindalawa ngunit walang tugmaan ang mga taludturan Berso Blangko Unti-unting hinihipan ng plawta ang kalyadong puso Hayagang iniuukit ang melodiyang nauulinigan Isinisilid sa basyo ng tinta ang luhang nakikita Ang bawat kulay, ang bawat himno, ang bawat indayog ay ako. Itinangay ng maragasang linya ang siphayo Itinutuwid nito ang baluktot na paningin Ang larawang namasdan ang nagtilip sa basag na bukas Ang bawat linya, ang bawat kurba, ang bawat alon ay ako. Isang daluyong ng kulay ang umakay sa liwanag Nabanaagan ng hapung-hapong mga mata ang pagsilay ng kahapon Sumilay ang rikit ng bukas sa mapusyaw na araw Ang bawat kulay, ang bawat pagpinta, ang bawat rikit ay ako. Naulinigan ng murang katawan ang himig ng paglaya Inililipad ng bawat nota ang tulo ng luhang itinatago Itinaboyng awit ang isang delubyong nanuot sa isp Ang bawat nota, ang bawat awit, ang bawat melodiya ay ako. Sa pagsaliw ng isip sa titik, lumabas ang ikinukubling bugso Iwinaksi nito ang litanya ng matinding pagdurusa Sa patuloy na paghahabi ng talumpati, nmaglaho ang apoy Ang bawat titik, ang bawat parirala, ang bawat pangungusap ay ako. Sa saliw ng gitara, lumukso ang aking mga selula Nadama ng buong katawan ang indayog ng paglaya Isinuko ang buong kalamnan sa sumpa ng tugtugin Ang bawat indayog, ang bawat indak, ang bawat imbay ay ako. Ako ang bawat obrang lulunas sa pagdarahop Ako ang bawat inadak at musika na kikitil sa siphayo Ako ang pariralang kukumpleto sa naghihintay na tala Ako ang berso ng paglipad na hihilom sa sugat sa paglaban. ALAALA ng mga NAIWAN ni Jose Lacaba Si Bantay na asong hari na ng tapang Tigasin, ang maton ng sangkaasuhan, Ngayon ay narito sa aming bakuran, Hindi gumagalaw, matigas na't patay. Marami ang galit kay Bantay, alam ko. Una na'y ang kanyang mga kapwa-asong Sa away ay lagging sugatan at talo. Pero marami ring galit na tao - Mga kinahulan, tinakot, hinabol, Mga nasaksakan ng ilang iniksiyon. Ako man, madalas, galit sa asong iyan - Ang tigas ng ulo, di mapagsabihan. Ang tingin ko ngayon sa ayos ng bangkay, matapang na lason yata ang pumatay - walang dugo't sugat; wala kahit latay. Pataksil pinawi ang tapang ni Bantay. Sapagkat si Bantay, aso naman namin, Sa aming looban ko siya inilibing. Pero para sa kanya'y walang dalangin, Ni walang hagulgol na handog ang hangin. PAGSUSURI Malawakang Pagtanaw May kasabihan tayo sa wikang Ingles na "A dog is a man's best friend". Ang mga aso ay madaling turuan, malambing at masunurin kumpara sa mga pusa at higit sa lahat, pinagtatanggol nila ang kanilang mga amo sa sinumang umatake o umaway dito. Gaya ni Saver na natampok sa balita nang maraming beses dahil sa marami niyang kakayahan na hindi karaniwan sa ibang aso. Marami na ring pelikula tulad ng "Lassie" at "Homeward Bound" kung saan ang bidang karakter ay mga aso. Kaya naman marami sa atin ang gustong magkaroon ng kaibigang aso na magbabantay sa atin. Ngunit paano kung ang asong inaasahan mong magbabantay at magtatanggol sa iyo ay siya pang magdudulot ng perwisyo sa buhay mo? Kaya mo bang lumuha sa oras na siya'y mamatay? O paiiralin mo pa rin ang iyong galit sa kanya? Gaano mo kaya kamahal ang iyong alagang aso Ito marahil ang naramdaman ng may-akda na si Jose Lacaba nang isulat niya ang kanyang tulang "Alaala ng mga Naiwan". Ang tulang ito ay tungkol sa pagkamatay ng asong si Bantay na siyang pinakasiga sa lahat ng aso sa kanilang lugar. Dahil dito galit sa kanya ang mga kapwa niya aso. Pati mga tao ay galit sa kanya sapagkat siya'y nananahol, nananakot, at nanghahabol. Marami na rin siyang nakagat na tao kaya naman pati amo niya ay galit na sa kanya. Kaya noong siya'y namatay, inilibing lang siya sa bakuran ng kanyang amo ngunit walang inalay na dalangin ni pumatak na luha para sa kanya. Pagtatalakay Ang tulang ito ay isang elihiya o dalitlumbay at nauuri na tulang pandamdamin o liriko. Ito ay nagpapahayag ng damdamin at saloobin ng persona sa tula tungkol sa pagkamatay ng kanyang asong si Bantay. Ito ay isang blanko bersong tula na may sukat na lalabindalawahin ngunit walang tugmaan ang mga taludturan. Galit ang damdaming ipinahahayag ng persona sa tula. Hinanakit dahil sa perwisyong nagawa ng asong si Bantay noong siya ay buhay pa. Ngunit ito ay nagpapahayag din ng pagkaawa sapagkat inilibing pa rin si Bantay sa bakuran ng kanyang amo kahit hindi siya naging mabait at masunurin. Gumamit ng guni-guning naglalarawan ang makata upang pukawin ang imahinasyon ng mambabasa. Inilarawan niya nang mabuti ang ayos ng bangkay ni Bantay upang maisip ng mga mambabasa ang biswal na imahe na nais ipakita ng may-akda. Ang guni-guning naglalarawan ay nakapaloob sa una at pang-apat na saknong. Hindi pormal ang ginamit na pananalita sa tula. Gumamit ito ng mga salitang kanto tulad ng maton at latay. Gumamit din ng mga tayutay sa tula tulad ng "wala kahit latay", "ni walang hagulgol na handog ang hangin" na isang halimbawa ng pagmamalabis at pagtatao. Ang tulang ito ay nagpapahayag ng saloobin ng amo sa kanyang aso na maaari rin namang iimplika sa saloobin ng tao sa kapwa niya tao. May kasabihan tayo sa wikang ingles na "forgive and forget" o magpatawad at kalimutan na ang naging away o hindi pagkakaunawaan. Madali itong sabihin ngunit mahirap gawin. Madalas nating marinig sa mga kakilala natin ang linyang ito "papatawarin ko siya pero mahirap kalimutan ang nagawa niya". Marami nang magkaibigan ang nag-away at nagkabati ngunit hindi pa rin nabalik sa dati nilang pagsasamahan. Ito ay dahil halos natural na sa tao ang magtanim ng sama ng loob. Marahil ito ang malalim na pagpapakahulugan ng tula. Na ang mga tao, magpatawad man, hindi pa rin nakalilimot sa nagawang kasalanan sa kanila kaya nabubuo ang galit at hinanakit sa kapwa tao. Napakasakit din isipin na kahit patay na ang nakagawa ng kasalanan ay hindi pa rin makayang magpatawad ng lubusan. DALOY Sa kabila ng lahat, Nagpatuloy pa rin ang lakad Hinayaang dumampi ang init ng araw Hinayaang mapagod ang binti Hinayaang magunahan ang mga paa Hindi kasalanan ang pagiisa Banal lang ang naniniwala Baliw lang ang gumagawa Sa dulo’y mapapawi din ang uhaw Dahil tulad mo hindi tumitigil ang daloy ng tubig

No comments:

Post a Comment